LAOAG CITY – Napatigil ang operasyon ng drop ball sa carnival sa lungsod ng Laoag, Ilocos Norte dahil sa pagbubulgar ng Bombo Radyo Laoag.
Natuklasan na may operasyon ng “drop ball” sa carnival matapos mag-live report ang isa sa mga reporter ng Bombo Radyo Laoag na si Bombo Roger Lopez at nakuhanan ng video ang kasalukuyang operasyon nito.
Agad namang ipinaalam sa lokal na gobyerno sa lungsod ng Laoag kung saan inamin ng head ng Business Permit and Licensing Office na wala pang permit para mag-operate ang nasabing carnival.
Matapos mapanood ng mga kasapi ng BPLO ang video ay agad silang nagtungo sa lugar at kinausap ang manager ng carnival na itigil ang operasyon ng drop ball.
Sa interview naman ng Bombo Radyo Laoag kay Mayor Michael Marcos Keon, inamin na wala siyang kaalam-alam na may operasyon ng drop ball sa carnival.
Sa pagbalik ng news team ng Bombo Radyo ay wala nang operasyon ng drop ball kung saan sinabi ng ilang tao sa lugar na ikinatuwa nila ang pagpapatigil ng drop ball.
Una rito, mahigpit ang kampanya ng gobyerno at ang PNP laban sa mga iligal na pasugalan gaya ng drop ball, jueteng at iba pa.