BACOLOD CITY – Isa ang patay habang isa ang sugatan makaraang mauwi sa shootout ang drug buybust operation na isinagawa ng Regional Police Drug Enforcement Unit 6 (RPDEU 6) sa lungsod ng Bacolod kanina.
Ayon kay RDEU 6 team leader Police Lt. Glenn Soliman, isinagawa ang buybust sa Malaspina-Molave St., Brgy. Villamonte, Bacolod City kung saan subject sina Xiever Louis Rosales alyas “Boss” at Hilda Trojillo na kapwa residente ng Brgy. Bata, Bacolod City.
Nabilhan umano sina Rosales ng mahigit P40,000 na halaga ng suspected shabu ngunit lumaban umano ito nang kanyang matuklasan na poseur buyer ng pulis ang bumili ng illegal na droga kaya’t nagpalitan ng putok.
Tumakas pa sina Rosales sakay sa puting Isuzu Fuego ngunit binaril ng mga pulis ang gulong ng sasakyan kaya’t bumangga ang pick up sa nakaparadang truck.
Sugatan sina Rosales at Trojillo at sila ay dinala sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital ngunit idineklarang patay ang babae.
Sa pag-imbentaryo ng mga pulis, nakuha sa loob ng sasakyan ang 380 grams na shabu na nagkakahalaga ng mahigit P2.5 million at isang .45 caliber pistol.
Batay sa impormasyon na nakuha ng RDEU, ang lalaking subject ay sinasabing source ng drug ng suspek sa Gardenville massacre sa Bacolod na si Christian Tulot alyas Dondon.