Tiniyak ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na walang katotohanan daw ang mga paratang sa mga miyembro ng kapulisan na ilan sa mga ito ay mamamatay tao.
Sinabi ni Eleazar, walang intensiyon ang mga pulis na pumatay lalo na sa kanilang anti-illegal drug operation.
Malinaw din umano sa mga operatiba na kung nalagay sa alanganin ang kanilang buhay ay dapat protektahan din ng mga ito ang kanilang sarili.
Inihayag ni PNP chief na bukas ang PNP sa gagawing pag rebyu ng Department of Justice (DOJ) sa lahat ng kaso ng anti-illegal drug operations ng PNP lalo na doon sa mga mayroong nasawi hindi lang mga suspek maging mga tauhan din ng PNP.
Ito ay para sa transparency, kaya handa raw ang PNP buksan ang record nila sa mga napatay sa drug war.
Giit ni Eleazar wala silang itinatago, sa ngayon nasa 53 cases na ang kanilang naisumite at nai-turn over sa DOJ habang ang iba ay hindi pa totally resolved dahil sa apela ng mga involved na pulis.
Nagpapatuloy din ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP Internal Affairs Service (IAS).
Binigyang-diin din ni PNP chief, na kailanman hindi nila ito-tolerate ang mga pulis na umaabuso sa kanilang kapangyarihan dahil kaniyang sisiguraduhin mananagot ang mga ito sa batas.
Halimbawa na lamang dito ang kaso ni Kian Delos Santos sa Caloocan kung saan, kinasuhan ang mga pulis na nakitang nagmalabis sa kanilang kapangyarihan.
Nabatid na sa isang pahayag sinabi ni International Criminal Court prosecutor Fatou Bensouda na natapos na ang preliminary examination sa drug war sa bansa at nais nila ng judicial authorization para ipagpatuloy ang imbestigasyon.
Ito’y dahil sa paniniwalang posibleng nakagawa ng crime against humanity ang Duterte administration.
Giit ng ICC, may hurisdiksyon pa rin sila sa mga krimen sa bansa kahit na umatras na ang Pilipinas sa pagiging miyembro ng ICC matapos simulan ang preliminary examination.