-- Advertisements --

Tuloy-tuloy na ang proseso ng pagpapauwi kay Mary Jane Veloso matapos na ilipat ng Indonesian Authority ang kanyang kustudiya sa Jakarta, Indonesia mula sa Yogyakarta.

Ayon sa pamilya ni Veloso, ipinagbigay alam na sa kanila ng mga otoridad sa Indonesia ang naturang hakbang para iproseso ang mga kinakailangang dokumento para makauwi na ito sa Pilipinas.

Samantala, hindi naman natuloy ang paglipad ng pamilya ni Veloso sa Indonesia dahil sa paglilipat nito ng kulungan.

Dito na lamang aniya sila maghihintay sa Pilipinas para sa pag-uwi ni Mary Jane.

Una nang sinabi ng Department of Justice na bago magpasko ay maaaring makauwi na sa bansa si Veloso.

Nagtungo na rin ang mga kinatawan ng Justice Department sa naturang bansa para makipagpulong sa kanilang counterpart agency at kanilang pinag-usapan ang pagpapauwi nito.