-- Advertisements --

Dumistansya ang kampo ni Vice Pres. Leni Robredo sa pahayag ng Malacañang na posibleng gamitin nito ang pagkakatalaga sa kanya sa Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) para tumakbo bilang pangulo sa 2020.

Nilinaw ng tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez na walang bahid ng pulitika ang pagtanggap ng bise sa appointment ng presidente.

“Sila nagsabi noon, hindi kami. As far as VP Leni is concerned, the reason why she is accepting iyong designation ni Presidente is so she can act on iyong kaniyang mga binanggit regarding drug war,” ani Gutierrez.

“Binanggit niya kanina iyon at in-emphasize niya, gusto niyang matigil iyong pagpatay ng mga inosente, gusto niyang mabigyan ng hustisya iyong mga naging biktima na walang kasalanan, gusto niyang matigil iyong mga abusadong mga opisyal. So that’s what she will be focusing on, iyon ang kaniyang intensiyon dito.”

Malinaw umano ang sinabi ng pangalawang pangulo na nais niyang makatulong sa kampanya ng gobyerno, sa paraang hindi na mauuwi sa patayan ang pagkubkob sa drug suspects.

“Isinantabi niya iyong mga agam-agam na lahat na ito ay politically motivated para mag-focus on what she thinks she can do bilang isang advocate, bilang isang tao na ang concern talaga ay ang kapakanan ng ating mga kababayan.”

Sa ngayon wala pa raw natatanggap na opisyal na imbitasyon ang tanggapan ni Robredo para dumalo ito sa cabinet meeting.

“Ayaw naman kasi naming pangunahan. Ang hirap kasi, from the start, ang sinasabi namin dito, hindi dapat dinadaan sa mga announcement sa presscon ang mga ganitong bagay. Sana man lang may dokumento.”

“In fact, it was the reason kung bakit natagal din iyong announcement ni VP—sinigurado muna namin na natanggap officially ng Malacañang iyong kaniyang letter of acceptance bago siya mag-announce in public.”