Sa ginawang Nationwide Survey on the Nature and Extent of Drug Abuse in the Philippines noong 2015 ng Dangerous Drug Board (DDB) noong 2015, nasa 1.8-milyon ang bilang ng drug dependents sa bansa.
Sa datos naman na hawak ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), tinatayang nasa 4-milyon ng mga Pilipino ang gumagamit ng iligal na droga.
Pero kung pagbabatayan ang mga nakaraang pahayag ng Pangulong Duterte, sinabi nito na nasa pagitan ng pito at walong milyon ang populasyon ng mga drug addict sa Pilipinas.
Isa lang ito sa mga nakitang butas ni Vice Pres. Leni Robredo sa higit dalawang linggong pag-upo niya bilang co-chairperson ng ICAD.
Ang aniya’y kalat-kalat na datos.
“Halimbawa, ayon sa DDB, mayroong naitalang 1.8 million na gumagamit ng iligal na droga, batay sa 2015 Nationwide Survey on the Nature and Extent of Drug Abuse in the Philippines. Ito ang numerong pinagsimulan ng kasalukuyang administrasyon,” ayon kay Robredo.
“Ngunit ayon sa Pangulo, umabot na raw ito sa pito hanggang walong milyong katao. Dito pa lang, dapat matigilan na tayo: kung dumami hanggang walong milyon ang gumagamit ng iligal na droga mula sa dating 1.8 million, hindi ba mas lumala pa ang problema natin?”
Minsan ng hiningi ni VP Leni ang listahan ng drug high value targets, na sa tingin niya ay dapat naging prayoridad ng pamahalaan na hulihin.
Pero inulan ang bise presidente ng kritiko mula sa mga kaalyado ng pangulo, pati na ang kanyang mismong co-chair noon sa ICAD na si PDEA director general Aaron Aquino.
“Sa ulat pa ng USAID kami nakahanap ng numero. Hanggang Hulyo 2019, batay sa ginawa nilang “rapid assessment,” 32-50% pa lamang ng 1.3 million na sumuko ang dumaan na sa screening at assessment para malaman kung gaano kalala ang kanilang adiksyon. Samantala, 10-15% pa lang ang sumasailalim sa programang pang-rehabilitasyon para sa komunidad.”
“Wala ring datos ang gobyerno na nagsasabi kung ilan ang nagtutulak ng droga at kung ilan ang gumagamit lamang. Importante ito upang matukoy kung anong programa nga ba ang kailangan para hindi na sila bumalik sa dating gawi.”
“Dahil dito, hindi nakakagulat na ngayon, naghahalu-halo ang users at pushers sa mga rehabilitation centers at kulungan. Ayon sa DOH, ang kontaminasyong ito ay nagbubunga ng mga panibagong drug networks. Lumalala pa tuloy ang problema, kaysa naaayos.”
Sa huli nilinaw ni VP Leni na nais lang niyang ihayag ang ilang katotohanang nalaman sa pag-upo bilang ICAD official.
Mungkahi rin nito ilipat sa DDB ang liderato ng ICAD, kasama si Pangulong Duterte bilang commander in chief, at tuluyan ng palitan ang Oplan Tokhang.