CENTRAL MINDANAO – Grupo umano ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nagpatakbo ng drug den at pagawaan ng improvised explosive device (IED) sa Brgy Bulod, Sultan Sabarongis, Maguindanao.
Aksidente itong nadiskubre ng mga otoridad nang magsagawa sila ng law enforcement operation.
Sinasabing napapalibutan ng mga bakod, barb wires at barriers ang mga bahay kaya nagduda na ang militar at pulisya.
Wala nang naabutan na mga tao ang mga bahay nang pasukin ito ng pinagsanib na pwersa ng 33RD Infantry Batallion, CIDG BARMM, 2nd Mech Compnay, at 43rd SAC, 4th SAB at mga opisyal ng Brgy Bulod SSB.
Nadiskubre sa loob ng mga bahay ang mga sangkap sa paggawa ng mga bomba kagaya ng mga wires, mga pako, mga cellphones, scrap metals at mga bakal.
May mga naiwan din na military uniforms na posibleng ginagamit ng mga rebeldeng BIFF.
May mga puno rin ng marijuana ang itinanim sa gilid ng mga bahay na binunot ng raiding team.
Maliban pa ito sa mga naka-pack na marijuana seeds at dahon na nakuha sa loob ng mga bahay.
Kinumpirma rin Lt. Col. Elmer M Boongaling, commanding officer ng 33rd Infantry Battalion Philippine Army hindi lang pagawaan ng bomba o IED ang nadiskubre sa naturang lugar at ginagawa rin itong drug den.
Sinunog ng mga sundalo at pulis ang mga bahay para hindi na ito balikan at mapakinabangan pa ng mga suspek habang dinala naman sa kampo ng 33rd IB ang mga nakuhang ebidensiya.