DAGUPAN CITY – Huli ang isang drug den operator kasama ang apat na babaeng mga users, kasunod ng anti-drug operation na pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Pangasinan, dito sa lungsod ng Dagupan.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan matapos ang operasyon, inihayag ni Provincial Officer Dexter Asayco, ng PDEA Pangasinan, na resulta ito ng isinagawang joint operation upang buwagin ang mga drug den kasama ng PDEA Regional Office 1, Pangasinan PNP at Dagupan city PNP, sa Brgy. Herrero-Perez.
Aniya, nagresulta ito sa pagkakahuli ng tinuturong drug den maintainer na kinilalang si Fidel De Gracia kasama ang apat na kababaihang kinilalang sina Raquel Royeca, Agnes Mejia, Maricel Caralipio at Merle Carbonell.
Dagdag pa ni Asayco, matagal din na minanmanan ng mga otoridad ang mga nagtutungo sa lugar na bumibili at nagpopot session.
Sa ngayon, inaalam pa ng mga otoridad ang background ng mga suspek kung ang mga ito ay dati ng sumuko sa otoridad bilang mga drug surrenderee at gayundin ang mga posible nilang kasamahan na nauna ng nakaalis bago isagawa ang operasyon.