CENTRAL MINDANAO-Bilang pagtalima sa isinusulong ng pamahalaang nasyunal na “Drug-Free Workplace”, sinimulan nang balangkasin ng komitibang binuo ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza at tinahasan na tumutok sa pagsulong ng naturang adhikain.
Nanguna si Provincial Administrator Aurora P. Garcia, miyembro ng Drug-Free Workplace Committee at kinatawan ni Gov. Mendoza, kasama sina Provincial Legal Officer Atty. John Haye Deluvio, Provincial Human Resource Management Officer Erlinda B. Catalan, Philippine National Police Provincial Director PCol Harold S. Ramos sa pagbuo at pagbusisi ng mga probisyon na ipapaloob sa Drug-Free Workplace Policy (DFWP) sa lalawigan.
Ilan sa mga napag-usapang ipapatupad na alituntunin ng DFWP ay ang pagsasagawa ng intelligence-driven / random drug testing sa mga opisyal at empleyado, pagbuo ng grupo ng mga empleyadong magiging katuwang ng pamahalaan sa nasabing adbokasiya pati na rin ang mga batayan para sa treatment, rehabilitation, referral at iba pang kaukulang hakbang na gagawin sa magpopositibo sa drug test. Palalakasin din ang awareness campaign hinggil dito.
Nagbahagi din ng kanilang mga rekomendasyon sina Integrated Provincial Health Officer Eva C. Rabaya at mga representante mula sa iba’t ibang departamento ng pamahalaang panlalawigan. Naroon din si Cotabato Government Employees Association (COTGEM) President Joey Divinagracia, mga representante mula sa Department of the Interior and Local Government, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC).
Muling magsasagawa ng pagpupulong ang grupo sa susunod na linggo para sa pagsasapinal ng nasabing polisiya.(Bombo Garry Fuerzas)