-- Advertisements --

LA UNION – Nakapiit muli ang isang drug group leader matapos halughugin ang kanyang bahay at mahulihan muli ng mga pinaghihinalaang shabu.

Ang suspek ay nakilalang si Bolacan Orancaya, 50, tubong Brgy. Salingcob, Bacnotan, La Union.

Nakumpiska ng raiding team na pinangunahan ng Bacnotan Police ang umano’y siyam na plastic sachet ng sinasabing shabu at iba pang drug paraphernalia.

Tinangka pa ng suspek na tumakas patungong kagubatan ngunit nahuli din ito sa isinagawang hot pursuit operation ng mga otoridad.

Ang Orancaya Drug Group ay tinatayang may anim hanggang pitong miyembro kabilang na si Orancaya, nahuli na rin ang lahat ng mga ito sa magkakahiwalay na police operation ngunit nakapag-piyansa kung laya ngayon ang mga ito.

Si Orancaya ay hinuli at nakulong noong Agosto 22, 2016 kaugnay din sa iligal na droga ngunit nakapag-piyansa.

Ang suspek ay nahaharap muli sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165.

Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay P/Cpt. Virgilio Cruz, hepe ng pulisiya sa bayan ng Bacnotan, mahigpit nilang mino-monitor ngayon ang iba pang miyembro ng grupo bagama’t isa sa mga ito ay nasa abroad na para maiwasan ang iligal na gawain.