NAGA CITY – Patay ang isang drug personality na myembro ng isang drug group matapos manlaban umano sa mga otoridad sa Barangay Caloocan, Balayan, Batangas pasado alas-2:10 kaninang madaling araw.
Kinilala ang suspek na si Dennis Pantoja, myembro umano ng Mamayog drug group.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga, nabatid na isang buy bust operation ang isinagawa ng mga tauhan ng PNP-Balayan laban kay Pantoja at sa isang kasamahan nitong hindi pa nakikilala hanggang ngayon.
Subalit sa gitna ng transaksyon ay natunugan umano ng suspek na pulis ang kaharap niya na naging daan upang magkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng salarin at ng mga otoridad.
Habang ang kasabwat naman ni Pantoja ay agad na tumakas lulan ng isang motorsiklo.
Napuruhan umano si Pantoja na naitakbo pa sana sa Western Batangas Medical Center ngunit idineklara na dead on arrival ng doktor.
Nakumpiska sa kaniyang pag-iingat ang limang sachet na may lamang pinaniniwalaang droga na may timbang na 12 gramo.
Sa pinangyarihan naman ng krimen ay narekober ang isang caliber .45 na baril, tatlong empty shells ng caliber .45 at caliber 9mm.
Ayon kay Col. Edwin Quilates, provincial director ng Batangas Police Provincial Office, ang pagpaslang kay Pantoja ay magiging dahilan upang tuluyan nang mabuwag ang naturang drug group.