Iginiit ngayon ng Malacañang na credible o mapagkakatiwalaan pa rin ang listahan ng narco-cops na isinapubliko kamakailan ng Philippine National Police (PNP) at Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa kabila ito ng pagkwestiyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkakasama ni P/Col. Jovie Espenido.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, laging ang presumption ay tama ang listahan maliban na lang kung may ilalabas na ebidensya ang isinasangkot na ito ay sinisiraan lamang.
Ayon kay Sec Panelo, malaya naman ang DILG at PNP na i-validate ang pagkakasama ni Espenido sa naturang listahan.
Kung may maipiprisintang patunay na sangkot umano si Espenido sa kalakaran ng iligal na droga ay tiyak magbabago ang posisyon ni Pangulong Duterte sa usaping ito.
Magugunitang naging kontrobersiyal si Espenido matapos pangunahan ang madudugong drug operation na ikinamatay ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa noong 2016 at Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog at 14 iba pa noong 2017.