-- Advertisements --
KERWIN ESPINOSA

Inirekomenda na ng Department of Justice (DoJ) panel of prosecutors na pormal nang sampahan ng kaso sa korte ang self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa at 10 iba pa dahil sa paglabag ng mga ito sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil umano sa kalakaran ng iligal na Eastern Visayas.

Kabilang din sa mga pinasasampahan ng kaso sina Marcelo Labay Adorco, Jose Ortiz Antipuesto alyas Joe, Jose Jernie Estrera alyas Amang, Galo Stephen Evero Bobares, Ferdinand Gulhoran Rondina alyas Denan, Brian Anthony Zaldivar alyas Tonypet, Nickjune Rosalia Canin, Virbeca Hiyas Diano alyas Bebeth, Alfred Cres Arradza Batistis at Josela Avila Dumaguit alyas Jojie.

Ang mga kaso ay may kaugnayan sa paglabag ng mga suspek sa Section 26 (b) na may kaugnayan sa Section 5 ng Republic Act No. 9165 o ang pagbebenta ng iligal na droga.

Ang ipinasasampang kaso ay base na rin sa kanilang extrajudicial confessions kaugnay ng sinasabing partisipasyon ng mga ito sa illegal drug trade.

Sa mga inihaing kaso sa DoJ ay walang ebidensiyang iprinisinta o walang nasabat na droga at nagbase lamang ang DoJ prosecutors sa desisyon ng Supreme Court (SC) sa kaso laban kay Sen. Leila de Lima.

Sa desisyon, nakasaad na hindi na kailangang magprisinta ng ebidensiya o ang mismong droga kapag ang kaso ay may kinalaman sa pakikipagsabwatan para magsagawa ng drug trading.

Samantala, ibinasura naman ng DoJ panel ang reklamo laban sa 15 respondent dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensiya para madiin sa kaso.

Kabilang dito ang mga reklamong inihain sa mga respondent na sina Maba Limbona, Galo Legaspi alyas Kapre, Chief Insp. Wilfredo C. Abordo, P03 Dennis Torrefiel, Baysay Custodio, Police Chief Supt. Asher Dolina, Police Chief Insp. Eufracio Javines, Police Captain Bernie D. Magamay, Police Staff Sgt. Eduardo Betuin, Police Staff Sgt. Roberto Arafol, Police Senior Supt. Elizar P. Egloso, Police Staff Sgt. Marvin Parac, Victor I. Espina, Martin Espina at Marites S. Ang.

Screenshot 20210819 153247 Chrome

Ang reklamo laban kay Espinosa ay inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) sa DoJ noong Enero 15, 2020.

Screenshot 20210819 153222 Chrome

Kung maalala nong Nobyembre 2009 ay ipinag-utos ng Court of Appeals (CA) na palayain si Espinosa sa New Bilibid Prison (NBP) matapos makulong nang ilang buwan.

Bumalik ito sa Cebu City at nakulong doon noong 2010.

Matapos makalaya ay itinuloy umano nito ang kanyang operasyon sa Eastern Visayas noong 2011 at naditine naman sa Ormoc City jail hanggang 2013 dahil sa illegal possession of firearms at frustrated murder.

Sa kabila naman nang pagkakaditine nito ng halos dalawang taon ay patuloy pa rin umano ang illegal drug trade ng grupo ni Espinosa sa pamamagitan ng kanyang mga kasabwat, private armed men at coddlers.

Taong 2018 naman nang inirekomenda ng DoJ panel na sampahan ng kaso sa korte si Espinosa dahil sa hiwalay na conspiracy case na may kaugnayan pa rin illegal drug trading kasama ang isa pang drug convict na si Peter Co.