-- Advertisements --

Iminungkahi ni Senate President Vicente Sotto III na ihiwalay ng kulungan ang mga nahatulan sa karumal-dumal na krimen bilang alternatibo sa death penalty.

“Para sa mga nawawalan ng pag-asa na di mangyayari ito (revival ng death penalty), may alternative akong iniisip. Ihiwalay natin heinous criminals, ‘wag isama sa NBP, ihiwalay natin sila sa kulungan, walang cellsite, walang kaiht ano,” wika ni Sotto sa isang panayam.

Ayon kay Sotto, mainam din ito upang ma-decentralize ang pamamahala sa mga bilanggo.

“Alisin sa Munti ang NBP… ilalagay mo Luzon, Visayas, Mindanao. Pag inilipat mo tapos regional mababwasan din sakit ng ulo ng jailguards. Kasi studies, oras na ang convicted na binibisita ng pamilya, doon na nag-uumpisa magloko,” ani Sotto.

Dagdag pa ng senador, kahit na hindi maipasa ang panukalang pagbabalik ng death penalty, maaaring ilagay sa isang isla ang mga drug lord upang mapigilan ang mga ito na i-operate ang kanilang mga sindikato ng iligal na droga.

“Kahit di makapasa ang death penalty, ang mga drug lord malalagay natin sa ibang kulungan. Pinag-uusapan namin isang island na puro bato. Doon na natin sila ilagay, walang komunikasyon, walang kung ano-ano. Puro sinibak na sitaw ang kakainin nila,” dagdag nito.

Paglalahad pa ni Sotto, maaaring pagbayaran na sa loob ng kulungan ang iba pang mga krimen maliban sa high-level drug trafficking.

“[E]xcept high-level drug trafficking ang mga lekat nakakulong na nakakapag-operate pa. Sila ang dapat iinhibit natin, hindi na dapat makapag-operate. ‘Yun ang definition ng deterent,” katwiran ni Sotto.

“‘Yun lang kasi ang krimen na nakakulong na nakakapag-operate pa,” dagdag nito.

Una nang sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na ang mungkahing ibalik ang parusang kamatayan sa bansa ay maaaring magkaroon ng 50-50 na tsansa.

Kasunod na rin ito ng pagbaril-patay ng isang pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac noong Disyembre 20.