BAGUIO CITY – Arestado ang drug personality na tinawag ng PDEA-Cordillera na ‘drug princess’ ng Baguio City matapos magpositibo ang isinilbing search warrant sa bahay nito sa Magnolia Street, Upper QM, Baguio City kagabi.
Nakilala ang nahuling High Value Target na si Alysia Allidem Singson, 29-anyos, online seller.
Nakumpiska sa operasyon ang anim na pakete ng pinaniniwalaang shabu na may bigat na higit kumulang 12 grams at nagkakahalaga ng tinatayang P81,600.
Nakumpiska din ang isang botelya na naglalaman ng higit kumulang 2mL ng pinaniniwalaang liquid meth, ilang pakete na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu residue, ibat-ibang drug paraphernalia, isang caliber .38 at siyan na bala ng nasabing baril.
Sa ngayon, nahaharap si Singson ng mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon kay PDEA-Cordillera regional director Gil Castro, ang suspek na si Singson ay anak ng tinaguriang ‘drug queen’ ng Baguio City na si Brenda Singson na convicted at nakakulong na sa Bilibid.
Aniya, ito na ang ikatlong pagkakataon na nasilbihan ng search warrant ang bahay nina Singson na nagsisilbing drug den at pick-up area ng iligal na droga.
Malaki din aniyang kawalan sa illegal drug trade sa lungsod ang pagkaka-aresto ni Singson.
Dinagdag pa ni Castro na plano nila na maideklara na nuisance ang nasabing bahay ng mga Singson para maisailalim sa forfeiture proceedings at nang hindi na ito magamit pa sa anomang aktibidad ng illegal drug trade.