LEGAZPI CITY – Umaasa ang pulisya sa Polangui, Albay na malaki ang mawawala sa isinusuplay na iligal na droga sa bayan kasunod ng pagkamatay ng target ng isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Napo.
Nanlaban at nagtangka umanong magpaputok ng baril si Ronald Viterbo alyas Ronnie, kaya nauwi sa shootout ang insidente.
Ayon kay PMaj. Ed Azotea, hepe ng Polangui PNP sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, pahirapan ang naging operasyon dahil palipat-lipat ng apartment ang suspek.
Hindi rin umano talagang taga-Polangui si Viterbo at taga-Brgy. Tinago sa lungsod ng Ligao habang ikasiyam ito sa Provincial Drug Watchlist ng Albay.
Nagpapakilala pa umano itong si Bro. Rhon Ante na isang pastor subalit nabunyag lamang ang pagkatao nang maihambing ng Ligao City PNP at pulisya ng Polangui ang mukha nito at rekord sa rogues’ gallery.
Sa Metro Manila pa umano kinukuha ni Viterbo ang suplay sa university belt sa bayan habang nagduda maging ang mga kapitbahay sa mga hindi kilalang tao na madalas magtungo sa apartment ng suspek.
Napag-alaman na noong nakaraang linggo rin unang nagkaroon ng buy-bust laban dito subalit hindi naging matagumpay dahil sa lakas ng ulan.