BAGUIO CITY – Kinumpiska ng mga operatiba ng PDEA sa pakikipagtulungan ng Baguio City Police Office at NAIA-Agency Drug Interdiction Task Group ang isang parcel na naglalaman ng aabot sa 1,800 na tableta ng pinaniniwalaang ecstasy na nagkakahalaga ng higit P3-million sa isinagawa nilang controlled delivery operation sa harap ng isang condo sa Baguio City kaninang tanghali.
Naaresto sa operasyon ang drug personality na si Elisa Agguirre Millare, 52-anyos, residente ng New Era, Quezon City na siyang tumanggap sa nasabing parcel na isang dilaw na karton.
Ayon kay PDEA-NCR team leader Investigation Agent Officer 3 Gerald Javier, nagmula kay Fostina Obobo mula Neuss, Germany ang parcel habang ang recipient o consignee ay si Joyce Ann Jores San Antonio at nakalagay na address nito ang isang condo sa Ambuclao Road, Gibraltar Barangay.
Laman aniya ng parcel ang isang pares ng sapatos, dalawang bed sheets at apat na improvised pouches na naglalaman ng mga pinaniniwalaang ecstasy.
Nasa kustodiya ng Bureau of Customs ang parcel na matuklasan ng K9 paneling na posibleng naglalaman ito ng iligal na droga, kung saan ipinasakamay sa PDEA ang parcel para sa controlled delivery operation para mahuli ang consignee nito.
Dahil dito, inihatid mismo ng PDEA ang nasabing parcel sa nakalagay na address ni San Antonio ngunit ang drug personality na si Millare ang tumanggap dito bilang representative ni San Antonio.
Sinabi pa ni agent Javier na iimbestigahan nila si Millare para matuntun ang ultimate consignee ng parcel.
Sa ngayon, mahaharap si Millare ng kasong paglabag sa Section 4 ng RA 9165, partikular ang importation of dangerous drugs habang magpapatuloy ang imbestigasyon ng PDEA para sa case build-up sa mga iba pang personalidad na dapat mahuli.