CENTRAL MINDANAO – Bubuksan na ang itinayong Drug Rehabilitation Center sa Barangay Sudapin, Kidapawan City sa darating na Agosto 16, kasabay ng pagdiriwang ng lungsod ng Timpupo Festival.
Magiging guest of honor sa nasabing okasyon si Secretary Catalino Cuy, chairman ng Dangerous Drugs Board (DDB) na naging daan upang maipatayo ang nasabing gusali.
Naipatayo ang gusali sa pamamagitan ng pondong nagkakahalaga ng P5 million na ipinagkaloob ng DDB sa Kidapawan City LGU bilang suporta sa Balik Pangarap Program.
Karagdagang P5 million pa ang idinagdag ng ahensiya para naman sa pagpagpapabakod at paglalagay ng mga lighting facilities sa gusali maging sa paligid nito.
Matatandaang pinuri ng DDB ang pagiging aktibo at buong suporta ng Kidapawan LGU para sa programa na Balik Pangarap, kung saan daan-daang mga Person’s Who Used Drugs (PWUD’s) ang sumailalim sa rehabilitasyon.
Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Joseph Evangelista, naitatag ang programa kung saan maraming mga dating gumagamit ng iligal na droga ang nagsilabasan makaraang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Operation Tokhang.
Malaki ang paniniwala ni Mayor Evangelista na sa pamamagitan ng programa, mabigyan ng pagkakataon ang mga PWUD’s na magbago at makabalik sa lipunang kanilang kinabibilangan.
Tiniyak naman nang alkalde na susuportahan niya sa nalalabi nitong tatlong taon ang programa kontra iligal na droga.
Sa katunayan, nakatakdang bumisita sa Kidapawan City ang mga representante ng Community Anti-Drug Coalition of America (CADCA), na nakabase sa Dallas, Texas, upang personal na makita ang implementasyon ng anti-illegal drug campaign ng pamahalaang lokal ng lungsod.