Posibleng sa susunod na taon na ilabas ni Vice Pres. Leni Robredo ang kanyang “Ulat sa Bayan” o report kaugnay ng war on drugs campaign ng gobyerno.
Ito ang anunsyo ng pangalawang pangulo sa katatapos lang na press conference, kasunod ng pangako nitong pagsisiwalat at paglatag ng mga rekomendasyon matapos manungkulan bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) noong Nobyembre.
Aminado si Robredo na handa na ang kanyang tanggapan na ilabas ang report. Katunayan, pinakita na rin nya sa mga kawani ng media dito ang 40-pahinang kopya ng naturang ulat.
Pero sa ngayon nais daw munang tutukan ni Robredo ang pagpapaabot ng tulong sa mga biktima ng magnitude 6.9 na lindol sa Mindanao kahapon.
“In fact, nandito na iyong report. It’s a 40-page report, na iyong summary sana sasabihin ko ngayon, together with the recommendations. Pero dahil sa nangyari na malakas na paglindol sa Davao del Sur saka sa mga katabing probinsya gaya ng South Cotabato, minabuti namin na ipagpaliban muna,” ani Robredo.
“Pero gusto ko lang kunin iyong pagkakataon ngayong umaga na humingi ng tulong. Panahon ito na magkaisa tayo. Humingi ng tulong sa mga mayroong capacity na tumulong. Ang pinaka-kailangan daw nila as of this time, tents dahil sunod-sunod na iyong aftershocks at iyong mga tao traumatized na grabe. Iyong mga tents saka drinking water. Iyong sabi niya kanina, nawalan na ng kuryente, nawalan na ng tubig.”
Nakausap na raw ng bise presidente si Davao del Sur Cong. Didi Cagas tungkol sa tulong na kailangan pa ng kanilang mga naapektuhang residente.
“Mula noong lumindol kahapon, nag-usap-usap na kami, nag-form kami ng team dito sa opisina na pupunta doon para magbigay ng relief assistance. Ngayong umaga, kausap ko si Congresswoman Didi Cagas. Kinukuwento niya kung gaano ka-grabe iyong… hindi lang iyong lindol, pero iyong hundreds of aftershocks pagkatapos noon. Iyong report sa atin, as of siguro mga 10 minutes ago, iyong report daw ng PDRRMC sa kaniya ay mayroon nang eight to 10 na namatay. Mayroon pang anim na na-trap doon sa shopping center, pero—iyong shopping center na gumuho.”
“So nakikiusap din tayo, baka mayroong mga generators na puwedeng ipahiram muna doon. Iyon nga, iyong drinking water, nagtawag na tayo sa mga partners kung sino iyong puwedeng makapagpadala immediately, iyong mga tents. Iyong pinaka-problema kasi nito, hindi lang iyong malakas na lindol kahapon, pero the fact na sunod-sunod. At iyong pagkasunod-sunod, sobrang lakas.”
Tiniyak naman ni Robredo na hindi magiging hadlang ang limitadong budget ng Office of the Vice President para matulungan nilang bumangon ang mga biktima ng malakas na lindol sa Mindanao.