-- Advertisements --

Naaalarma si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino sa bilyong halaga ng mga iligal na droga na ipinupuslit ng mga banyaga papasok ng Pilipinas.

Ito ay kasunod nangpagkakasabat ng mga hinihinalaang shabu nuong Biyernes, Marso 22, sa Manila port na nagkakahalaga ng P1.8 billion, at nasa P1.1 billion naman na iligal na droga naman na nasabat sa Ayala, Alabang sa Muntinlupa City noong nakaraang linggo rin.

Tinukoy ni Aquino na ang notorious Golden Triangle syndicate ang nasa likod ng pagpuslit sa nasa P2.6 billion na illegal drugs sa bansa.

Sinabi ni Aquino na may koneksiyon ang nasabat na iligal na droga sa dalawang magkaibang lugar na ito.

Naniniwala naman ang opisyal na walang katapusan ang drug trafficking at smuggling sa bansa hangga’t walang death penalty na umiiral sa bansa.

Ibinunyag din ni Aquino na itong mga banyaga ay may kakayahan na magbayad sa mga judges, prosecutors at law enforcers para ang mga nahuling indibidwal ay ma-deport pabalik ng kanilang bansa.

Walang takot aniya ang mga Chinese na miyembro ng sindikato na magpuslit ng iligal na droga sa bansa dahil alam nila na kaya nilang bayaran ang mga huwes at iba pang mga otoridad.

Nasabat ng PDEA ang nasabing mga kontrabando ay dahil sa impormasyon na ibinigay ng kanilang international counterpart mula sa Vietnam.