-- Advertisements --
shabu boracay
Part of the confiscated shabu

KALIBO, Aklan – Kabuuang 32 plastic sachet ng pinaghihinalang shabu ang nakuha mula sa itinuturing na bigtime na tulak ng droga sa isinagawang drug buy bust operation ng pulisya sa Sitio Lugutan, Barangay Manocmanoc, Boracay.

Kinilala ang suspek na si Carlito Fernando, Jr. 31, maintenance staff ng isang water company at tubong Looc, Romblon ngunit kasalukuyang naninirahan sa nasabing isla.

Isinagawa ang operasyon laban sa suspek ng pinagsanib na pwersa ng Malay PNP, 2nd Aklan Provincial Mobile Force Company at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos na makumpirmang isa siya sa mga drug supplier sa isla.

Una rito, binilhan ng limang sachet ng pinaghihinalang shabu si Fernando kapalit ng P5,200 ng nagpakilalang poseur-buyer.

boracay shabu
Confiscated shabu in Boracay

Sa isinagawang body search sa suspek, dagdag na 27 sachet ng suspected shabu na nagkakahalaga ng P35,000 kasama ang cellphone na naglalaman ng mga illegal transaction ang nakuha mula sa kanya.

Si Fernando ay nakakulong ngayon sa Malay Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.