-- Advertisements --

LAOAG CITY – Naganap ang harap-harapang barilan sa pagitan ng subject ng anti-illegal drug buy bust operation at ang police poseur buyer sa Brgy. Pila sa lungsod ng Laoag.

Namatay sa operasyon ang suspect na si Andrew Ventura alyas Andy, residente ng Brgy. 11 sa lungsod ngunit kasalukuyang nakatira sa Brgy. Pila.

Ayon kay Lt. Col. Amador Quiocho, hepe ng PNP Laoag, nang ibinigay na ng subject ang isang sachet ng iligal na droga sa police poseur buyer na si Master Sgt. Lawrence Ganir ay saka bumunot ito ng kalibre 45.

Agad na nagpaputok ng baril si Ventura gamit ang kalibre .45 at tinamaan ang pulis sa kamay.

Gumanti naman daw ng tatlong putok si Ganir gamit ang caliber 9mm at tinamaan ang suspek.

Dahil dito agad na dinala ang dalawa sa Governor Roque Ablan Sr. Memorial Hospital sa lungsod ngunit dead on arrival ang subject sa operasyon.

Narekober ng mga otoridad ang isang plastic box na naglalaman ng anim na sachet ng hinihinalang shabu, P1,000 na marked money at iba pa.

Dagdag ng hepe, maliban sa repeat offender si Ventura hinggil sa iligal na droga ay nasangkot pa ito sa pagnanakaw ng motorsiklo.