-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Isa ang nasawi nang makipagbarilan sa mga otoridad sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang napatay na si Allan Guiabal Palut, 38, may asawa at residente ng Brgy Kibenes, Carmen, North Cotabato.

Ayon sa ulat ng 602nd Brigade habang nagsasagawa ng checkpoint ang Carmen PNP katuwang ang 7th Infantry Battalion Philippine Army sa national highway sa Sitio Kaka, Brgy Manarapan, Carmen, North Cotabato ay namataan nito ang tatlong katao na umiwas sa checkpoint.

Hinabol ang mga suspek ng mga otoridad ngunit nagpaputok umano si Palut ng kanyang baril.

Napilitan daw ang mga sundalo at pulis na paputukan si Palut na nagpaharurot ng takbo ng kanyang motorsiklo.

Naisugod pa ang suspek sa Carmen Municipal Hospital ngunit binawian din ito ng buhay.

Habang dinala sa Carmen MPS ang dalawa sa mga suspek na hindi pa pinangalanan dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Narekober sa mga suspek ang isang kalibre .45 na pistola, isang 9mm pistol, mga bala, isang motorsiklo at pinatuyong dahon ng marijuana.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Carmen PNP at 7th IB sa naturang pangyayari.