-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Binawian ng buhay ang isang drug suspect nang manlaban sa mga otoridad sa inilunsad na anti-drug operation sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang nasawi na si Jhetrue Mastura Tantong alyas Jethro.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-BARMM) Regional Director Juvinal Azurin na nagsagawa sila nang buybust operation sa Sitio Pamana Brgy Poblacion Buluan Maguindanao katuwang ang tropa ng 40th Infantry Battalion Philippine Army at Buluan MPS laban sa suspek.

Akma na sanang i-abot ni Tantong ang shabu sa PDEA-asset ngunit natunugan nitong mga otoridad ang kanyang ka-transaksyon kaya bigla itong bumunot ng baril.

Inunahan na ito ng mga PDEA-Agent kaya nagtamo ng maraming tama ng bala ang suspek sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.

Naisugod pa si Tantong sa Buluan District Hospital ngunit hindi na ito umabot ng buhay.

Narekober sa posisyon ng suspek ang 25 grams na shabu na nagkakahalaga ng P170K sa drug market value,mark money,cellphone,identification cards,belt bag,isang kalibre.45 na pistola,mga bala at isang magazine.

Sa ngayon ay pinaigting pa ng PDEA-BARMM ang kampanya kontra ilegal na droga sa Bangsamoro region.