Umaabot sa P81,600 halaga ng shabu ang nasamsam sa naarestong drug suspect na kabilang sa target list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang apat na kasamahan nito sa ikinasang entrapment operation sa Olongapo City, kahapon, January 24.
Batay sa report ng mga operatiba kay PDEA-3 regional director Brayan Babang at kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, matagal na nilang minomonitor ang galaw ng nasabing drug suspect at kahapon ay nagkaroon sila ng magandang pagkakataon.
Kinilala ni Villanueva ang mga nadakip na sina: Arsenio Santos alyas Boyet na nasa target list ng PDEA; Ar Pallorina alyas Alvin, 51-anyos; Albert Oca alyas Bitong, 26-; Ryan Ebba, 29; Richard Agustin, 42, pawang residente ng Olongapo City.
Itinuturing naman ng PDEA-3 na high impact ang operasyon na nagbunga sa pagkakasabat ng apat na maliit na heat sealed transparent plastic sachet. Naglalaman ito ng 12 gramo na may tinatayang street value na P81,600.00; gayundin ng sari-saring mga gamit sa droga; lumang unit ng cellphone; at ang marked money na ginamit ng poseur buyer.
Magkakatuwang ang PDEA Region III, PDEA-Zambales at PNP units ang operasyon.
Kasalukuyan nang nakakulong sa PDEA-3 detention facility ang mga suspek na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.