-- Advertisements --

Patay ang isang drug personality sa ikinasang buy bust operations na pinangunahan ng mga operatiba ng Pandacan Police Station 10 kaninag ala-1:30 ng madaling araw sa may Valintina St., Barangay 814, Paco, Manila.

Sa report na inilabas ng Manila Police District (MPD) nanlaban umano ang suspek na nakilalang si Darwin Nazardo, 44-anyos at kabilang sa drug watchlist ng MPD.

Tiniyak naman ni Manila Police District (MDP) Director CSupt. Rolando Anduyan na lalo pa nilang palalakasin ang kampayan laban sa iligal na droga sa kanilang areas of responsibility.

Samantala, arestado naman ang apat na indibidwal sa ikinasang buy bust operations ng Quezon City Police District Station 10 na naaktuhan pa umanong gumagamit ng iligal na droga sa Montana Street, Tahuan Compound, Barangay Immaculate Concepcion, Cubao.

Kabilang sa mga naaresto ang isang lalaking senior citizen na isang parking attendant.

Kinilala ni Inspector Ceferino Gatchalian Jr, hepe ng QCPD Station 10 Drug Enforcement Unit ang mga naarestong indibidwal na sina Conrado Arzala alyas Nonoy, 62; ang kanyang live-in partner na si Fe Letran; Albert Guan; at Ryan Alvarez.

Sinabi ni Gatchalian na target na kanilang operasyon si Arzala na positibong drug pusher dahil ito ang nag abot ng biniling droga sa poseur buyer.

Sinundan ang suspek sa bahay nito at dito nakita na gumagamit din ng iligal na droga ang tatlo pang indibidwal.

Nakuha sa kanilang posisyon ang pitong sachet ng pinaniniwalaang shabu, aluminum foil, lighter, transparent plastic sachet, at P500 mark money.

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o Republic Act 9165 ang kahaharapin ng mga suspek.