-- Advertisements --

Isasailalim sa anim na buwang rehabilitasyon ang mga kandidatong mag-po positibo sa ilegal na droga.


Ayon kay PNP Chief PGen. Dionardo Carlos, batay ito sa nakasaad na parusa para sa first-time offenders sa Section 15 ng Republic Act 9165, o ang Dangerous Drugs Act of 2002.

Pero nilinaw ni Carlos na sa ngayon ay hindi mandatory ang drug test para sa mga kandidato sa eleksyon at walang kapangyarihan ang PNP na pwersahin ang mga ito na magpa-drug test.

Ayon sa PNP Chief, suportado nila ang mandatory drug testing ng mga kandidato, pero ang Comelec ang ultimong may desisyon dito.

Gayunman, handa aniya ang PNP Forensic Group na magsagawa ng drug testing sa mga kandidatong boluntaryong magpapa-drug test para patunayan na sila ay malinis.

Kahapon ay nagpa-drug test sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sina presidential aspirants Senator Panfilo Lacson At Vice president candidate Senator Vicente Sotto III.

Maalala na sinabi ng Pangulo na may Presidential Aspirant na gumagamit ng Cocaine, pero hindi niya direktang pinangalanan ito.