Tiniyak ng pamunuan ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) na nananatiling mataas ang kanilang morale sa kabila ng kaliwat kanang batikos na ipinupukol sa kanila ng mga human rights groups sa kanilang war on drugs.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP DEG Deputy Director for Administration Col. Marlou Martinez, aniya hindi sila naaapektuhan sa mga mga kritisismo na ibinabato sa kanila, bagkus mas nagiging agresibo sila sa kanilang mandato at misyon.
Sinabi ni Martinez, mataas ang morale ng PNP lalo na ang mga tauhan ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) dahil sila ay suportado ng kanilang liderato lalo na ni PNP OIC Chief, PLt.Gen. Vicente Danao.
Giit ng opisyal na natural lamang na may bumabatikos sa kanilang war on drugs, subalit ang tagumpay na kanilang nakamit sa nasabing kampanya ay dahil sa tulong ng ibat ibang ahensiya ng pamahalaan at ng publiko.
Ayon kay Col Martinez, kung may mga drug suspeks na nasawi sa operasyon, ibig sabihin nanlaban ang mga ito sa awtoridad.
Nalulungkot din ang PNP dahil marami sa kanilang mga tauhan ang nasawi sa kanilang ikinakasang anti-illegal drug operation.
Ayon sa opisyal hindi magtagumpay ang kanilang war on drugs kung hindi kaisa dito ang komunidad.
Samantala, inaasahan ng PNP na tuluyan nang mawawakasan ang problema sa droga sa susunod na administrasyon.
Ayon kay PNP Director for Operations Police Major General Valeriano de Leon, base ito sa naging pahayag ni President Elect Bong Bong Marcos na itutuloy ng kanyang administrasyon ang nasimulan ng administrasyon ng Pangulong Duterte sa kampanya kontra droga.
Sinabi ni Deleon na ngayon pa lang ay pinaghahandaan na ng PNP ang pinag-ibayong “war on drugs” sa pamamagitan ng pagpapalakas sa PNP- Drug Related Data Integration Generation System (DRDIGS) sa pangunguna ng Directorate for Operations.
Paliwanag ni de Leon ang DRDIGS ang magsisilbing digital library ng lahat ng impormasyon sa buong bansa tungkol sa kampanya kontra droga na kapag fully operational na ay magpapahintulot ng mas epektibong real-time management ng mga operasyon.
Kasama din aniya sa database ang pag-monitor ng rehabilitasyon ng mga drug users bilang bahagi ng demand-reduction strategy; na kasabay ng supply-reduction strategy ng paghahabol sa mga sindikato ng droga.