Inirekomenda ni Solicitor General Menardo Guevarra na mai-turn-over o maisumite ang mga ebidensiya o findings ng House Quad Committee kaugnay sa war on drugs ng Duterte administration sa executive agencies tulad ng Department of Justice o sa Office of the Ombudsman para sa kaukulang imbestigasyon at paglilitis at hindi sa International Criminal Court (ICC).
Ipinaliwanag din ng SolGen na ang DOJ at Ombudsman ang siyang may mandato para mag-imbestiga sa findings ng congressional committees may kinalaman sa criminal matters. Habang ang papel naman ng Office of the SolGen ay saka pa lang papasok kalaunan.
Ginawa ng SolGen ang naturang pahayag matapos sabihin ni dating Congressman at kasalukuyang abogado ng EJK victims na si Atty. Neri Colmenares noong Sabado na dapat umanong iturn-over ang mga testimoniya nina Ret. PCol. Royina Garma at self-confessed drug lord Kerwin Espinosa sa ICC para matiyak ang paglilitis kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at dating PNP chief at ngayon ay Sen. Bato Dela Rosa kaugnay sa madugong war on drugs na nagresulta sa pagkasawi ng nasa 30,000 indibidwal base sa datos ng human rights groups.
Subalit iginiit naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi na muling babalik sa ICC ang Pilipinas sa kabila pa ng mga panawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isumite ang findings ng House Quad Comm investigation sa naturang international body.