CENTRAL MINDANAO-Isa sa mga magiging highlight ng Araw ng Cotabato ngayong darating na Setyembre 1, 2022 ay ang drum and lyre exhibition na lalahukan ng walong local government units ng lalawigan.
Ayon kay Drum and Lyre Exhibition Event Focal Person Jevie P. Curato, ang mga munisipyong lalahok sa nasabing exhibition ay kinabibilangan ng mga estudyante mula sa LGU Aleosan, LGU Carmen, LGU Libungan, LGU Makilala, LGU Midsayap, LGU Pigcawayan, LGU Tulunan at Kidapawan City.
Naimbitahan rin sa naturang selebrasyon upang magpakita ng kanilang angking galing at performance ang CFCST-Pikit na naging kampyon sa street dancing and showdown competition sa katatapos lamang na T’nalak Festival sa South Cotabato at 1st runner-up naman sa kaparehong kompetisyon sa Kadayawan Festival sa Davao City.
Kasama rin sa magbibigay aliw ang Youth Performing Arts Guild mula sa Kidapawan City na itinanghal naman bilang 1st runner up sa street dancing and showdown competition sa T’nalak Festival at 2nd runner up naman sa Kadayawan Festival.
Ang bawat partisipanteng kalahok na magbibigay ng saya at kulay sa araw ng Cotabato sa September 1 ay makakatanggap ng P50,000 participating prize mula sa opisina ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza bilang pasasalamat.
Iniimbitahan ni Gov. Mendoza ang lahat ng Cotabateños na makiisa at makisaya sa pagdiriwang ng Kalivungan Festival 2022 na pormal na magsisimula sa Biyernes, Agosto 26, 2022 sa pamamagitan ng isang banal na misa.