Magpapatuloy umano ang mga paaralan sa pagsasagawa ng mga dry run sa implementasyon ng distance learning sa mga susunod na linggo bago ang nakatakdang school opening sa Oktubre 5.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones, ito raw ay upang matukoy at maitama pa ng mga paaralan ang makikita nilang mga mali, at matiyak ang maayos na pagpapatupad ng bagong modes of learning sa pormal na pagbubukas ng klase.
“[The dry runs are] going to be real so by the time October comes, kasado na lahat. It’s formalization of what we already know, what we are already going to do,” wika ni Briones.
Sa pagtataya ng kagawaran, mahigit sa 500 eskwelahan na raw ang nagsagawa ng mga dry run sa distance learning nitong mga nakalipas na buwan.
Hinimok naman ng kalihim ang mga schools na hindi pa nagsasagawa ng mga simulation na dapat ay umpisahan na nila ang mga dry run.
Dagdag ni Briones, patuloy din sila sa produksyon ng mga learning materials, at nasa proseso na raw sila ng pagsasapinal ng mga educational shows na ieere sa mga telebisyon at radyo.
Samantala, inanunsyo rin ng DepEd ang ilang mga pagbabago sa academic calendar kasunod ng adjustment sa petsa ng school opening.
Ayon kay Usec. Diosdado San Antonio, nakatakdang magtapos sa Hunyo 16, 2021 ang school year, na magkakaroon ng 200 school days.
Habang ang Christmas vacation ay mula Disyembre 20 hanggang Enero 2021.