Nakiisa si Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pagsuporta sa ₱29 Rice Program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. Na naglalayong mabentahan ng murang bigas ang mga bulnerableng sektor ng lipunan.
Sinabi ni Suarez na ang mahalaga ang nasabing programa para sa ating mga kababayang Filipino lalo na ngayong nahaharap sa ibat ibang hamon ang bansa.
Una ng inihayag ni Speaker Romualdez, na tinaguriang “Mr. Rice” dahil sa kanyang malawakang distribusyon ng bigas, na ang ₱29 Rice Program ay isang pagtupad ni Pangulong Marcos sa pangako nito na gagawa ng mga hakbang upang maibaba ang presyo ng mga bilihin at magkaroon sa seguridad sa pagkain ang bansa.
Ayon sa lider ng Kamara, na mayroong mahigit 300 kinatawan, malaki ang maitutulong ng pagbebenta ng P29 kada kilong bigas upang mabawasan ang mga pamilya na nakararanas na walang makain at sa pagpapa-unlad.ng kalidad ng buhay ng mga Pilipino.
Ang programa ay inilunsad noong Biyernes sa 10 trial location sa Metro Manila at Bulacan. Kasama sa mga maaaring bumili ay ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at solo parents.
Maaaring bumili ng hanggang 10 kilo bawat pamilya bawat buwan. Tuwing Biyernes, Sabado, at Linggo ang bentahan. Inaasahan na aabot sa 60,000 pamilya ang matutulungan ng programa kada buwan.
Ayon kay Suarez, ang ₱29 Rice Program ay maituturing na game-changer sa sektor ng agrikultura.
Pinuri ni Suarez ang pahayag ni Speaker Romualdez na titiyakin nito na magpapatuloy ang suporta ng gobyerno sa mga magsasaka. Sinabi rin nito na mayroon ng P22 bilyon sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), isa sa pinagkukuhanan ng pondo na pantulong sa mga magsasaka.