Tinataya umanong aabot sa 11-milyong pamilya ang inaasahang maisasama sa ikalawang bugso ng tulong pinansyal ng pamahalaan para sa mga apektado ng coronavirus pandemic.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rolando Bautista, humigit-kumulang 11.1-milyong pamilya na nasa mga lugar na isinailalim sa modified enhanced community quarantine ang ibibilang sa bagong listahan ng mga benepisyaryo ng social amelioration program.
Gayunman, sinabi ni Bautista na hinihintay pa ng kagawaran ang executive order bago gawin ng mga opisyal ang pinal na guidelines para sa pamamahagi ng ayuda.
Kinakailangan din aniyang i-validate pa ng mga otoridad ang liquidation reports ng mga local government units (LGUs) bago ang implementasyon ng second tranche.
Sa ngayon, pinag-aaralan din ng DSWD ang iba pang mga opsyon para mapabilis pa ang pamamahagi ng assistance sa ga benepisyaryo, kasama na ang paggamit sa mga online platforms.
Una rito, sinabi ng Malacañang na ang mga residente sa mga lugar na isinailalim sa modified ECQ, partikular ang Metro Manila, lalawigan ng Laguna, at lungsod ng Cebu, ang makikinabang sa susunod na bugso ng subsidiya.