-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Visayas na natanggap na nila ang aabot sa mahigit 300-Metric Tons na donasyong bigas mula sa Japan.

Ang donasyong ito ay para sa mga pamilya at indibidwal na labis na naapektuhan nang sunod-sunod na bagyo at ang nakalipas na El Niño na tumama sa lalawigan ng Leyte.

Ang naturang bilang na ito ay katumbas ng mahigit 10,000 na sako.

Pormal na iniabot ni nina Japan Embassy First Secretary and Agricultural Attache Akasaka Hidenori, at ASEAN Plus Three Emergency Rice Reserve (APTERR) Secretariat General Manager Choomjet Karnjanakesorn ang naturang bulto ng bigas kina Undersecretary of the Disaster Response Management Group (DRMG) Diana Rose S. Cajipe at maging kay NFA OIC Deputy Administrator Mario G. Granada.

Nagpaabot naman ng taos pusong pasasalamat ang naging kinatawan ni Leyte Governor Jericho Petilla sa gobyerno ng Japan dahil sa kanilang donasyon.

Kabilang sa mga makikinabang dito ay ang mga residenteng naapektuhan ng kalamidad mula sa bayan ng Capoocan, Calubian, Dulag, Inopacan, Merida, Villaba, Hindang, Bato, Hilongos, at Palo mula sa nasabing lalawigan.