-- Advertisements --

Agad iimbestigahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang umano’y paggamit sa isang mentally-challenge para sa kampaniya ng isang kandidato laban kay Pasig City Mayor Vico Sotto dahil sa kawalan umano nito ng mga proyekto para sa mga persons with disabilities (PWDs).

Ginawa ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang pahayag matapos hayagang almahan ng pamilya ng PWD ang pag-upload sa video, at iginiit na pinagsamantalahan ang isang taong mentally-challenged.

Ayon sa kalihim, ang paggamit ng mga PWD para sa pamumulitika ay maaaring isang paglabag sa R.A. 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”

Aniya, ikinokonsidera ito bilang pananamantala at pang-aabuso sa taong may kapansanan at kung mapapatunayan, maghahain sila ng mga kaso laban sa mga taong nasa likod nito.

Una rito, kumalat ang video na in-upload sa Facebook page ng The Journal Pasig kung saan sinabi ni “Mary”, isang 57-anyos na ginang na na-diagnose na may psychological disability, na hindi na niya iboboto si Sotto dahil hindi pa siya nakakatanggap ng anumang tulong mula sa incumbent mayor.

Sa halip ang iboboto umano niya ay si Sarah Discaya, ang kandidato ng oposisyon sa pagka-alkalde ng Pasig City.

Matapos makita ang naturang video, tinanong si Mary ng kaniyang pamilya tungkol sa mga pahayag na ginawa niya sa video.

Kwento ni Mary na kukuha lang sana siya ng stub para makakuha ng bigas subalit dinala siya sa isang sulok na walang nakakarinig na ibang tao at tinuruan siya ng kaniyang sasabihin.

Samantala, pinaparusahan naman sa ilalim ng Commission on Elections (Comelec) Resolution No. 11116 ang anumang uri ng coercion o pamimilit sa panahon ng kampaniya o araw ng eleksiyon. Nakalatag sa resolution ang anti-discrimination policies sa panahon ng halalan.