-- Advertisements --

Nakipagpulong si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian kay Australian Ambassador to the Philippines, Her Excellency Hae Kyong Yu , at mga kinatawan ng Australian Embassy – Department of Foreign Affairs and Trade (DFAT) upang talakayin ang mga pagpapaunlad sa ahensya.

Sa pulong, nakakuha si Sec.Gatchalian ng briefing mula kay Amb. Hae Kyong Yu PSM tungkol sa suporta ng Australian Government sa DSWD sa pamamagitan ng programang “Social Protection, Inclusion and Gender Equality o tinatawag na SPRING.

Ang SPRING ay isang 5-year program na naglalayon ng pagbabagong panlipunan at ekonomiya sa Pilipinas at nagbibigay ng pantay na pagkakataon sa lahat ng Pilipino alinsunod sa Philippine Development Plan.

Nilalayon din nitong pahusayin ang mga sistema at istruktura na nagbabawas ng kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay at isulong ang pagkakapantay-pantay ng kasarian at ang mga karapatan ng mga taong may kapansanan.

Una na rito, ang nasabing pagpapaunlad sa programa ay lubos na makakatulong sa DSWD na mapabuti pa ang kanilang mga pagtulong sa mga mamamayang Pilipino.