CAUAYAN CITY – Bukod sa pagbibigay tulong pananalapi ay magsasagawa rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region-2 ng stress de briefing sa 22 na nasugatang pasahero ng nahulog na elf truck sa bangin sa Conner, Apayao.
Ito ay bukod pa sa paunang tulong na P10,000 na burial assistance sa 19 na nasawi na pawang mga residente ng Rizal, Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Chester Trinidad, information officer ng DSWD Region-2, sinabi niya na matapos ang pamamahagi ng tulong pinansiyal ay isasailalim sa stress de briefing ang mga nakaligtas at nasugatan sa aksidente upang matulungan silang malampasan ang naranasan nilang trauma.
Tiniyak pa ni Trinidad na maliban sa paunang tulong ay handa pang magbigay ng karagdagang tulong ang mga health workers ng DSWD Cordillera Administrative Region (CAR) pangunahin na sa psycho-social treatment.
Patuloy na nagpapagaling pa ang mga nasugatan sa ospital sa Conner, Apayao at Tuguegarao City kasabay ang pagsailalim sa assessment upang matukoy kung ano pa ang mga tulong na maaaring maibigay ng pamunuan ng DSWD sa mga nasugatan.