LEGAZPI CITY – Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbibigay ng kaukulang tulong sa mga residente na posibleng naapektuhan ng masamang lagay ng panahon na naranasan sa rehiyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DSWD Bicol Director Arnel Garcia, nakaantabay ang ahensya sa lagay ng panahon habang inihahanda na ang ipamimigay na relief goods.
Ayon kay Garcia, nasa 23,000 pang family food packs ang nasa bodega ng DSWD habang may 48,000 na maari nang ipamigay at P3 milyon na standby fund.
Dagdag pa ng opisyal na sapat ang suplay ng ipamamahaging bigas kasama na ang family kit, dignity kit, hygiene kit at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga ito.
Sa ngayon wala pa naman umano ng pinaabutan ng tulong dahil kakaunti pa lamang ang evacuees habang hindi rin direktang tumama ang bagyo sa rehiyon.
Pinaigting na hanging Habagat ang nakakaapekto sa Kabikulan na nagdudulot nang malalakas na pag-ulan, bunsod ng bagyong Hanna.
Samantala, umabot na sa 99 na pasahero ang stranded sa mga pantalan sa Bicol na epekto ng masamang panahon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Office of Civil Defense (OCD) Bicol Director Claudio Yucot, patuloy na ipinagbabawal ang paglalayag ng mga maliliit na sasakyang-pandagat dahil delikado pa rin ang malalakas na hangin at matataas na alon sa dagat.
Kaugnay nito, isang lalaki naman ang naiulat na nawawala sa Jovellar, Albay matapos na anurin ng malakas na agos ng tubig sa ilog na bigla matapos na tumaas ang lebel dahil sa malakas na pag-ulan.
Ayon kay Yucot, nasa 45 katao na rin sa bayan ng Polangui ang inilikas dahil sa banta ng pagbaha at nananatili ngayon sa evacuation centers.
Samantala, nakahanda naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagbibigay ng assistance sa mga maapektuhan ng bagyo kung saan mayroon nang 23,000 family food packs habang P3 milyon naman ang standby fund.