Iginiit ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na hindi isang pork barrel ang programa nitong Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at hindi rin responsibilidad ng mga opisyal ng barangay ang pagtukoy ng listahan ng mga benepisyaryo ng programa.
Sa isang statement, binigyang diin ng kalihim na sinisilbihan ng lahat ng DSWD field offices sa buong bansa ang mga taong nangangailangan, sila man ay walk-in clients o ni-refer ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan.
Paglilinaw pa ni Sec. Gatchalian na prinoproseso ng kanilang social workers ang mga aplikasyon para sa AKAP at tinutukoy ang halaga ng tulong na ibibigay para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Ginawa ng kalihim ang naturang paglilinaw kasunod ng nauna ng pahayaag ni retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na inihalintulad ang AKAP cash assistance sa kontrobersiyal na pork barrel system at inirekomendang isumite ng mga barangay official ang listahan ng mga benepisyaryo.
Iginiit naman ni Sec. Gatchalian na walang probisyon sa panuntunan ng AKAP na nagpapahintulot sa mga opisyal na tukuyin ang mga benepisyaryo ng programa.
Ipinaliwanag pa ng kalihim na ang orihinal aniyang layunin ng AKAP ay protektahan ang mga minimum wage earner at near-poor na kababayan nating Pilipino mula sa epekto ng inflation.