-- Advertisements --

Itinanggi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang akusasyon ni Vice President Sara Duterte na ginagamit ang 2 assistance program ng ahensiya para sa vote buying.

Ayon sa kalihim, patuloy ang pagproseso ng mga aplikasyon at pamamahaagi ng ayuda sa pamamagitan ng Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS) at Ayuda sa Kapos Ang Kita Program (AKAP) para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng nasabing mga programa.

Muling binigyang diin pa ng opisyal na lahat ng field offices ng DSWD sa buong Pilipinas ay nagbibigay ng tulong sa mga taong nangangailangan, sila man ay walk-in o ni-refer ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan.

Ginawa ng DSWD chief ang naturang pahayag matapos sabihin ni VP Sara sa isang virtual press briefing nitong gabi ng Biyernes na ang vote buying ngayon ay nakatago umano sa pangalan ng ayuda tulad ng AICS, AKAP at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).