Kinumpirma ni Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian na natanggap na ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile ang P100,000 cash gifts kasabay ng pagdiriwang ng kaniyang ika-100 kaarawan noong Pebrero 14.
Ito ay alinsunod na rin sa Centenarians Act of 2016 o ang pagbibigay ng cash gift na nagkakahalaga ng P100,000 para sa mga Pilipinong centenarians o 100 taong gulang pataas.
Sa Centenarian Program ng pamahalaan, nagpapakita ito ng paggalang para sa nakakatandang populasyon ng bansa at kinikilala nito ang hindi matatawarang kontribusyon na nagawa nila sa ating lipunan sa nakalipas na mga dekada.
Nitong Martes, nagdaos si PBBM ng isang lunch para sa kaarawan ni Enrile bilang pagpupugay at pagkilala sa naging serbisyo ng dating Senador sa bansa at tinawag din ng Pangulo si Enrile na isang icon at pantheon ng PH history.
Isang karangalan din aniya na makatrabaho niya si Enrile kasabay ng pagpuri sa kaniyang pag-survive sa loob ng 100 taon.
Pinasalamatan naman ni Enrile ang mga magulang ni PBBM na sina yumao at dating Pang. Ferdinand Marcos Sr. at dating first lady Imelda Marcos at sinabing ang kaniyang pagsisilbi sa 2 Marcos administration ang pinakamasaya umanong ala-ala sa kaniyang buhay.