-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Namahagi ang tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XII ng Educational Assistance sa mga estuyanteng benepisyaryo mula sa bayan ng Matalam at Kabacan, Cotabato.

Ang nasabing pamamahagi ng tulong mula sa DSWD ay sinaksihan ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza na ginanap sa Kabacan Municipal Gymnasium at Brgy. Manubuan, Covered Court, Matalam.

Ang mga benepisyaryong may mga anak na nasa elementarya ay makakatanggap ng tig P1,000 samantalang P2,000 naman para sa may mga anak na nasa High School. P3000 naman ang natanggap ng mga estudyanteng nasa Sr. High School at P4,000 para sa mga estudyanteng nasa kolehiyo.

Sa kanyang mensahe binigyang diin ni Governor Mendoza na ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ay seryoso sa pagpapatupad ng mga programa para matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan.

Sinabi rin nito sa mga benepisyaryo na iparating sa kinauukulan kung mayroong mga katiwalian o indibidwal na nais sirain ang magandang hangarin ng programa.

Dagdag pa niya na nakahandang magbigay ng insentibo ang kanyang opisina sa mga taong makapagbibigay ng impormasyon o makakapagturo sa mga indibidwal o grupo na humihingi ng komisyon mula sa mga halagang natanggap dahil ito ay bawal.

Tinawag din ng butihing Gobernadora ang atensyon ng DSWD na kailangang magsagawa ng agarang pag-audit ng halaga ng perang naipamahagi na sa lahat ng mga benepisyaryo kasama na rin ang mga perang hindi nakuha ng mga benepisyaryo.

Ang DSWD educational assistance program ay may layuning tulungan ang mga individual in crisis situations kagaya ng breadwinners, working students, solo parents, OFWs, mga indibidwal na may HIV, ulila o inabanduna ng magulang , biktima ng pang-aabuso at kalamidad at mga magulang na walang trabaho na may magamit pambayad matrikula o pambili ng gamit sa pagbubukas ng klase.

Nasa nasabi ring distribusyon sina 3rd District Representative Ma. Alana Samantha T. Santos, Board Members Joemar S. Cerebo at Jonathan M. Tabara, Kabacan Municipal Mayor Evangeline P. Guzman, at Matalam Municipal Vice Mayor Ralph Ryan H. Rafael.