-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na handa na ang ahensya sa epekto ng bagyong Nika partikular sa mga lugar sa Region 1, 2 at Cordillera Administrative Region (CAR).

Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistant Secretary Irene Dumlao, may nakalaan ng pondo para sa mga cash assistance na ibibigay sa mga nasalanta. Aniya, itong mga tulong pinansyal ay ipapamahagi nila kapag pumasok na sa early recovery stage pagkatapos ng bagyo para may panimula muli ang mga lubhang naaapektuhan.

Pagtitiyak din ni ASec. Dumlao na sapat ang suplay ng family food packs na paunang ipinapamahagi sa mga nasalanta at patuloy pa rin ang produksiyon ng mga naturang food packs. Dagdag pa niya na patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng kanilang ahensya sa mga Regional Directors at mga Local Government Units para sa mabilisang pag-responde.

Kaugnay nito, pinasalamatan ng ahensya ang Department of Budget and Management (DBM) dahil sa patuloy na pagsuporta sa mga pondo na kakailanganing disaster response operations.

Kasalukuyan ng paalis ang bagyong Nika sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngunit may bagong dalawang bagyo ang binabantayan ulit.