Suportado ng Department of Social Welfare and Development ang panukala kaugnay ng pagbibigay ng sapat na suporta para sa mga Child Development Workers ng bansa lalong lalo na sa mga 4th to 6th class na Local Government Unit.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development Assistant Bureau Director Miramel Garcia Laxa, kung kinakailangan raw na magbigay ang ahensya ng data kung magkano at ilan ang gagastosin para sa mga Local Government Units ay malugod itong ibibigay ng kagawaran.
Isinusulong ngayon sa mababang kapulungan ang approval ng substitute bill ng Magna Carta of Daycare Workers kung saan layunin nito na mas mabigyang tuon pa ang mga manggagawang naglalaan ng sapat na oras para sa kabataan.
Samantala, sa ibang balita naman nilagdaan ni Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian at Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Acting Secretary Isidro Purisima ang agreement sa pag renew ng commitment ng ahensya kaugnay ng normalization program para sa Moro Islamic Liberation Front.
Nakapaloob sa nasabing Memorandum of Agreement sa dalawang ahensya ang pagtransfer ng pondo ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity na nagkakahalaga ng P396 million sa Department of Social Welfare and Development.
Ang pondong ito ay gagamitin sa socio-economic programs para sa Moro Islamic Liberation Front Decommissioned Combatants kung saan 3,300 ang makakatanggap ng P100,000 kaugnay ng transitional cash assistance at livelihood grants.