-- Advertisements --

Siniguro ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kahandaan nitong tumugon sa pinangangambahang paglala ng sitwasyon sa Bulkang Kanlaon.

Ito ay kasabay ng patuloy na pag-alburuto ng bulkan, batay na rin sa regular monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, tuluy-tuloy ang produksiyon ng 100,000 family food packs para sa stockpiling sa warehouse ng ahensya at mga bodegang pag-aari ng mga local government unit na nasa Negros Island.

Ang naturang stockpile ay target aniyang mailagay sa mga strategic areas at tuluyan itong matapos na bukas, Jan. 15, 2025.

Ito ay pangunahing tugon ng DSWD sa posibilidad ng paglala ng sitwasyon at posibleng itaas na alert level sa naturang bulkan mula sa kasalukuyang Level 3.

Pagbibigay diin ng kalihim na mas pinapalakas pa ng DSWD ang ground efforts upang matiyak na mabibigyan ng maayos na tulong ang mga apektadong pamilya na nasa evacuation centers.

Sa huling datus ng ahensiya, umabot na sa higit P76.1 million halaga ng humanitarian aid ang naipamahagi sa Negros islands mula noong muling pumutok ang bulkan, Disyembre ng nakalipas na taon.

Una nang iniulat ng PHIVOLCS ang lalo pang pagtaas ng aktibidad ng bulkan na kinabibilangan ng umano’y tumataas na pressure sa loob ng bulkan na posibleng magdulot ng panibagong eruption at ang lumalalang pamamaga sa malaking bahagi ng bulkan.

Ayon sa PHIVOLCS, ang lahat ng ito ay nagpapakita ng posibleng panibagong pagputok ng Kanlaon tulad ng unang nangyari noong December 9, 2024.