-- Advertisements --
image 162

Hinihintay na lamang daw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang guidelines para sa pamamahagi ng P1,000 cash assistance para matulungan ang 9.3 million na pinakamahihirap na mga Pinoy.

Ito ay para maibsan ang nagpapatuloy na epekto ng inflation sa bansa.

Sinabi ni DSWD Assistant Secretary Romel Lopez na ang pamamahagi ng cash assistance ay agad sisimulan sa sandaling natanggap na nila ang guidelines dahil natukoy na nila ang mga benepisaryo.

Sa ilalim ng extended Targeted Cash Transfer (TCT) program, makatatanggap ang mga benepisaryo ng cash subsidy na nagkakahalaga ng P1,000 pero ito ay hahatiin para sa dalawang buwan.

Sinabi ni Lopez na ang mga benepisaryo ay kilabibilangan ng mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), maging ang mga manggagawa na kumukita ng minimum wage at mga indigent senior citizens.

Kung maalala, noong Miyerkules inanunsiyo ni Finance Secretary Benjamin Diokno na mamamahagi ang gobyerno ng isa pang round ng cash aid na nasa ilalim ng extended Targeted Cash Transfer program para makatulong na maibsan ang financial struggle ng mga low-income families.

Ito ay sa gitna pa rin ng nagtataasang presyo ng mga bilihin na dulot ng global oil price surge kasunod na rin ng Russia-Ukraine war.

Maliban sa cash aid, sinabi ng Finance chief na magbibigay din ang pamahalaan ng mga subsidiya gaya ng fertilizer discount vouchers at fuel discounts para sa mga magsasaka at fisherfolks.

Kasama na rin dito ang mga fuel subsidies sa transport sector na apektado ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.