LEGAZPI CITY – Nakahanda na ang stockpile ng mga foodpacks at non-food items ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa warehouse para sa relief assistance ng mga posibleng maapektuhan ng papalapit na sama ng panahon sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DSWD Bicol Director Arnel Garcia, nasa 22, 340 family foodpacks na ang nasa bodega ng ahensya.
Una nang naka preposition at available ang nasa 3, 300 goods at 3, 000 na malong sa mga lalawigan ng Camarines Sur, Camarines Norte, Sorsogon at Masbate.
Inaayos na rin sa kasalukuyan ang 11, 000 pang dagdag na foodpacks na ibibigay sa mga maaapektuhan nito.
Maliban sa naturang mga stocks ay mayroon pang ibang items na nakatakdang i-repack gaya ng NFA rice, meat loaves, sardinas, corned beef, 3-in-1 coffee at non-food items na tents; sleeping, dignity, family, hygiene at kitchen kits; malong, laminated sacks at mga kumot.
Nasa P3 million fund naman ang naka-standby at handang ipagamit ng ahensya sa disaster response at relief operations.
Siniguro naman ng DSWD na patuloy ang pagmonitor ng kalagayan ng panahon at iba pang anunsyo lalo na sa bahagi ng Catanduanes na mas malapit sa Bagyong Kammuri.