Inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang “Pag-Abot sa Pasko,” o ang mga special operation ng ahensiya para sa mga pamilya at indibidwal na nasa lansangan.
Ito ay bilang bahagi ng patuloy nitong programang “Oplan Pag-Abot.
Pinangunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang kaganapan sa pagtatatag ng isang mega processing center sa EDSA at White Plains Avenue sa Quezon City.
Ang processing center ay magiging responsable para sa sabay-sabay na paglunsad ng mga aktibidad sa pag-abot program sa Pasig City, Mandaluyong City, San Juan City, at Quezon City ngayong buwan.
Aniya, ang DSWD ay mayroong 13 team na naglilibot sa Metro Manila para abutin ang mga pamilya at indibidwal na naninirahan sa lansangan, kabilang ang mga bata, at protektahan sila mula sa mga panganib.
Ang mga naaabot na indibidwal at pamilya ay dadaan sa isang inisyal na pagsusuri na kinabibilangan ng pagpaparehistro para sa PhilSys at biometrics.
Ang mga taong ito, kasama ang kanilang mga pamilya, ay inilipat sa DSWD-run residential care facilities and centers, kung saan sila ay tatanggap ng case management, pansamantalang pabahay, at iba pang mahahalagang suporta.
Sinabi ni Gatchalian na ang special reach out program ay tatakbo hanggang Disyembre 31 upang magbigay at magpaabot ng tulong sa mga mahihina at nasa panganib na pamilya at indibidwal sa panahon ng Pasko.