-- Advertisements --

Ipagpapatuloy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) field offices ang kanilang disaster operation para sa mga pamilyang apekado ng pananalasa ng nagdaang bagyong Marce kaakibat ng paghahanda sa magiging epekto ng bagyong Nika.

Sa isang pahayag, sinabi ni DSWD spokesperson Irene Dumlao na patuloy ang kanilang pag-tap sa regional warehouses para sa pagdadala ng relief resources at pag-alalay sa relief operations sa lalong madaling panahon para matiyak na mabilis na maabutan ng tulong ang mga apektadong residente sa Ilocos region, Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR).

Sa may bayan ng La Trinidad, Benguet, sinimulan na aniya ng kanilang DSWD Field Office CAR warehouse na mamamahagi ng relief supplies nang walang patid para suportahan ang relief efforts sa Cagayan Valley region.

Sa gitna ng nagpapatuloy na disaster operations sa mga sinalanta ng typhoon Marce, sinimulan na rin ng ahensiya ang pamamahagi ng inisyal na relief aid para sa mga apektado ng bagyong Nika noong gabi pa ng Sabado.

Nakaalerto naman ang ahensiya at field offices nito para sa pagbibigay ng agarang relief augmentation sa mga lokal na pamahalaan sa mga lugar na inaasahang dadaanan ng bagyong Nika kabilang ang mga lugar na tinumbok ng mga nagdaang bagyo na tumama sa bansa.