-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development sa publiko na tuloy-tuloy pa rin ang pagbibigay nila ng serbisyo para sa mga mahihirap ng Pilipino.

Kasabay nito ay inanunsyo ng ahensya na muli silang namamahagi ng Guarantee Letter o GL sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation.

Kung maaalala, ilang linggo ang naging suspensyon nito noong buwan ng Disyembre ng nakaraang taon habang nagsasagawa sila ng liquidation ng kanilang pondo noong 2023.

Sa isang pahayag, sinabi ng DSWD, nagsimulang muli ang kanilang ahensya sa pamimigay ng GL kahapon, January 2, 2024.

Ayon sa ahensya, maaaring magtungo sa kanilang tanggapan ang sinuman na gustong makapag avail ng naturang serbisyo.

Samantala, pansamantala munang sinuspinde ng ahensya ang kanilang outright cash assistance.

Ito ay alinsunod sa mga regulasyon ng Department of Budget and Management batay na rin sa umiiral na batas.

Tuwing simula ng fiscal year ay sinuspinde ng DSWD ang kanilang cash assistance habang hinihintay ang pag-download sa pondo ng DSWD. Nakasaad rin ito sa probisyon ng General Appropriations Act .

Ang AICS program ng DSWD ay isang programa na kung saan binibigyan ng komprehensibong tulong ang mga mahihirap para sa kanilang food, transportation, medical services, at funeral costs.